PALASYO NG MALACAÑANG
MAYNILA

INILAGDA NG PANGULO NG PILIPINAS

[ ATAS TAGAPAGPAGANAP BLG. 217 ]

PAGTATAKDA NG MGA SIMULAIN NG PAGKAMAMAMAYAN AT KAGANDAHANG ASAL NA ITUTURO SA LAHAT NG MGA PAARALAN SA PILIPINAS

SAPAGKAT itinatadhana ng Seksiyon 5 ng Artikulo XIII ng Konstitusyon na magiging layunin ng lahat ng mga paaralan na linangin ang kagandahang asal, disiplina sa sarili, isang konsiyensiyang makamamamayan at ituro ang mga tungkulin ng pagkamamamayan;

SAPAGKAT upang makasunod sa itinadhana ng Konstitusyon na binabanggit sa itaas, kailangang magpatibay ng isang Kodigo ng Pagkamamamayan at Kagandahang Asal na ituturo sa lahat ng mga paaralan;

SAPAGKAT, habang binabalangkas ang nasabing kodigo ng isang Lupon na kumakatawan sa iba't ibang sektor ng pamayanan at habang hinihintay ang pagpapatibay nito, mahalagang agad na magsagawa ng hakbang ang mga paaralan upang maisakatuparan ang mandato ng konstitusyon alinsunod dito;

NGAYON, SAMAKATWID, ako, si MANUEL L. QUEZON, Pangulo ng Pilipinas, sa bisa ng kapangyarihang kaloob sa akin ng Konstitusyon, ay nagtatagubilin sa Kalihim ng Pagtuturong Publiko na dapat maisagawa sa lahat ng mga paaralan ang pagtuturo ng mga sumusunod na mga simulain ng pagkamamamayan at kagandahang-asal na binalangkas ng mga kilalang mga indibiduwal;

1. Magtiwala ka sa Poong Maykapal na gumagabay sa kapalaran ng mga tao at mga bansa.

2. Mahalin mo ang iyong bayan sapagkat ito ang iyong tahanan, pinagmumulan ng iyong pagmamahal at bukal ng iyong kaligayahan at pagiging tao. Ang pagtatanggol sa bayan ang pangunahin mong tungkulin. Maging handa sa lahat ng oras na magpakasakit at ialay ang buhay kung kinakailangan.

3. Igalang mo ang Saligang-Batas para sa iyong kaligtasan at sariling kapakanan. Sundin ang mga batas at tiyaking sinusunod ito ng lahat ng mamamayan at tumutupad sa kanilang tungkulin ang mga pinuno ng bayan.

4. Kusang magbayad ng mga buwis at maging maluwag sa kalooban ang maagap na pagbabayad nito. Alalahaning ang pagkakamamamayan ay hindi lamang mga karapatan ang taglay kung hindi maging mga pananagutan din.

5. Panatilihing malinis ang mga halalan at sumusunod sa pasya ng nakararami.

6. Mahalin at igalang ang iyong mga magulang. Paglingkuran mo silang mabuti at pasalamatan.

7. Pahalagahan mo ang iyong karangalan gaya ng pagpapahalaga mo sa iyong buhay. Ang karalitaang may dangal ay higit na mahalaga kaysa yamang walang karangalan

8. Maging matapat sa pag-iisip at sa gawa. Maging makatarungan at mapagkawanggawa, ngunit marangal sa pakikitungo sa kapwa.

9. Mamuhay nang malinis at walang pag-aaksaya. Huwag maging maluho at mapagkunwari. Maging simple sa pananamit at kumilos nang maayos.

10. Mamuhay na gaya ng inaasahan sa iyo ng marangal na tradisyon ng ating lahi. Igalang ang alaala ng ating mga bayani. Ang kanilang buhay ay ehemplo ng pananagutan at karangalan.

11. Maging masipag, huwag ikatakot o ikahiya ang pagbabanat ng buto. Ang pagiging masipag ay daan tungo sa isang matatag na kabuhayan at sa yaman ng bansa.

12. Umasa sa iyong kakayahan sa pag-unlad at kaligayahan. Huwag agad mawawalan ng pag-asa. Magsikap upang makamit ang katuparan ng iyong mga layunin.

13. Gampanang maluwag sa kalooban ang iyong mga tungkulin. Ang gawaing hindi maayos ay higit na masama sa gawaing hindi tinapos. Huwag ipagpabukas ang gawaing maaari mong gawin ngayon.

14. Tumulong sa kagalingan ng iyong pamayanan at palaganapin ang katarungang panlipunan. Hindi ka nabubuhay na nag-iisa kapiling ang iyong mag-anak lamang. Bahagi ka ng isang lipunang pinagkakautangan ng pananagutan.

15. Ugaliin ang pagtangkilik sa sariling atin at sa mga kalakal na gawa rito sa atin.1a⍵⍴h!1

16. Gamitin at linangin ang ating likas na yaman at pangalagaan ito para sa susunod na salinlahi. Ang mga kayamanang ito ay minana pa natin sa ating mga ninuno. Huwag mong gawing kalakal ang iyong pagkamamamayan.

Inilagda sa Lungsod ng Maynila, ngayong ika-19 ng Agosto, sa taon ng Ating Panginoon, labinsiyam at tatlumpu't siyam, sa Komonwelt ng Pilipinas, ang Ikaapat.

MANUEL L. QUEZON
Pangulo ng Pilipinas

Para sa Pangulo:

JORGE B. VARGAS
Kalihim ng Pangulo


The Lawphil Project - Arellano Law Foundation